Saan ba dapat magsimula, sa natapos o sa papatapos pa
lamang?
Ang dalawang mata’y nagsusulat kasabay ng agos ng
tubig, nagtatanim ang mga bisig ng mga piraso ng salamin habang nasa ilalim ng
bituin, kumakaway sa mga kalangitan at umaasang bumalik wari ang minsan nang
nakamtan. Ang isip ay nalilito, saan ba nararapat magsimula, sa natapos o sa papatapos pa lamang? Ang simula ay nangyari na, ang kasalukuyan
ay hindi pa. Mag – iisip muna ako, dapat pa bang ipagpatuloy ito?
Ang sarap palang balikan ang mga bagay na napaglipasan
ng panahon. Sa bawat pintig ng orasan, sa bawat minutong nagsalita, at sa bawat
segundong nagtakbo. Ito?
Ako.
Papel
na patuloy sa pagbura.
Ang mga marka ng bura ang nagtaguyod sa espasyong
aking pinagsulatan.
Pagbabago.
Nagbago.
Nagbabago.
Magbabago.
Ang tatlong daang animnapu’t limang araw ang siyang
nagpaikot sa aking axis. Rotation sa
makalawa, sa ibang araw naman ay revolution.
Para bang walong taong pinagsama sa isa ang nakaraan. Ang daming pagbabago. Ang
daming nangyari. Sangkaterba. Gabundok. Umuumapaw.
Sumagi sa isip ang pagtawid sa alambre habang
nakakapit sa mga salitang hangin, pagsagot sa lason ng ahas na ligaw --- nakamamatay
pero patuloy pa ring hinahanap - hanap.
Liberado.
Kalayaan.
Pagkinig sa mga lumilipad na boses sa loob ng yungib,
pare – parehong bumubulas sa bibig ang “dumito
ka, ligtas ka rito”. Kaliwa’t kanan ang mga bulong ng temptasyon, ang imahe
ng hubo’t – hubang katotohanan ng Maynila.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Totoy, mag – iingat ka.
Baka
mawala ka sa kagubatan ng lahat.
Ang daming unang pagkakataon ang napawaglit sa aking
mga kamay -- paghakhakbang galing sa
isang hayskul papuntang unibersidad, pagkokomyut nang matagal, pag – iyak dahil
sa iskor na nakuha, at pagpapaanod sa lahat ng nabitawan na. Ang lahat ay
simula, ngunit ang lahat din ay makasasanayan na. Mula sa tunog ng bell papasok hanggang magmuni – muni ito
kapag uwian. Maraming natutunan. Maraming reyalisasyon. Ito pa rin, bumabangon.
Ang dyip na nasakyan galing Lungsod Quezon ay lumipad
sa mga daanan ng Lungsod ng Maynila. Para
po. Ang pagbaba, ang paghawak sa metal railings, at paglanghap sa lahat ng elemento
sa nasabing lungsod ang nagbukas ng ika – labing isang kuwarderno ko, at
nagtasa rin ng ika – labing isang lapis ko.
Nagbunyi.
Nawala.
Nagkamali.
At kasalukuyang nagbubura.
Ang puting damit ay nabahiran ng itim na usok, ang mga
kamay ay nabilad sa alikabok, ang mga tainga ay napasukan ng dumi galing sa
suluk – sulukan, at ang mga mata’y tumalon sa apoy na kalangitan.
Katayuang sinampal ng iba’t – ibang hangin, binugbog
ng alon, kinadena ng mga salita, dinaganan ng mga bundok, at nagpakalunod sa
lupa.
‘Wag nang sabihing uulitin pa.
Ayoko
na
Araw – araw kinakarga ang apoy sa loob ng hawak na
bayong, natutuliro kung saan ilalapag, dalawa lang naman ang makahihinatnan,
kung patuloy mong hahawakan, ligtas ka,
kung bibitawan mo naman, malaya ka na.
Binitawan
ko.
At walang
planong hawakan muli.
Ang pag – agos ng luha sa karagatan ang isa sa mga
pinakamabisang paraan ng pagluluksa. Walang makaaalam na ang tubig na
pinagtatampisawan ay galing pala sa mga matang minsang sumaya, at minsang naging malinis.
Patuloy na pagbaba sa hagdang gawa sa pinagtagpi –
tagping kahoy, pagpakalunod sa sapa na tila bang walang hangganan, at pagtiwala
sa mga salitang sinulat sa hangin.
Ayan ang naging 2018.
A year
of nearly halts; a point driven with impasses. A cycle of firsts’ repetitions;
a revolutionized rotation.
Ang mga kailangang bigyan ng tuldok.
Bigyan
mo.
Iyan
ang natutunan ko.