Sulong Wikang Filipino: Edukasyong Pilipino, Para Kanino?


Sulong Wikang Filipino: Edukasyong Pilipino, Para Kanino?

Oh, Pilipinas! Isa sa mga katangi-tanging bansa sa buong mundo pagdating sa kultura, pagkain, estilo ng damit, mga tradisyon, at uri ng pamumuhay. Kay gandang pagmasdan ang bansang ito sa malayuan. Masasayang mga tao, maliligayang indak ng musika, makukulay na mga pananamit at mga pista, at mga malalakas na dyip na bumubusina alas-tres pa lamang ng madaling araw. Ano pa ba ang maaari nating bigyan-diin dito upang mas ilarawan ang kagandahan ng Perlas ng Silanganan? Siyempre, ang wika. Mula sa isang artikulo na isinulat ni Carien (w.p.), ang wika ay bahagi ng ating araw-araw na pakikipagtalastasan. Kaakibat nito ang mga simbolo, tunog, at mga kaugnay na mga uri na batas nang sa gayon ay maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan. Binigyan pa ng diin ng manunulat na ang wika rin daw ay ginagamit sa pamamaraang paghahatid ng mga kaisipan, damdamin, at mga hangarin sa pamamagitan ng isang kaparaanang lumilikha ng tunog; at kabuuan din ito ng masigasig sa paraang binibigkas. Sa madaling pananalita, ang wika ay behikulo sa komunikasyon. Ito ang nagbubuklod-buklod ng mga ideya at opinyon. Ang wika rin ang nagiging behikulo ng isang bansa upang marating ang pambansang karimlan. Sinasalamin nito ang integridad, identidad, at pagpapakilala ng bansang nabanggit sa internasyonal na diskusyon. Wika ang nagiging sentro ng kultura at iba pang mga aspeto na nagbibigay identidad sa isang bansa kung ihahambing pa sa mga karatig o malalayong mga bansa. Ito ang kanilang branding ika nga. Sa Pilipinas, ang wikang pambansa ay Filipino. Ito ang lingua franca ng Perlas ng Silangan at ito rin ang wika na naiintindihan ng mas nakararaming mga Pilipino. Ang pag-usbong ng pagsalubong at pagyakap sa wikang Ingles ay nagdidikta sa magiging hinaharap ng wikang Filipino. Ang nasabing wika sa kasalukuyan ay madalas nang hindi ginagamit sa mga pang akademikong talastasan. Kahit ang Filipino ang ating wikang Pambansa, kung susuriin natin ang ating batas, bakit ito nasa wikang Ingles lamang? Bakit ang mga babasahing intelektwal, akademiko, at agham ay nasa wikang banyaga? Bakit ang mga pormal na korporeyt na pagpupulong sa ating bansa ay nasa wikang Ingles pa rin? Ang dibisyon upang maging aksesibol ang mga impormasyon sa madla ay mas pinalawig pa. Ating alamin ang mga suliranin na kinakaharap ng wikang Filipino sa bansang Pilipinas.

Ang edukasyon ng Pilipinas ay nakabatay sa tinatawag nating neoliberal education na ang ibig sabihin, nakasentro ang ating edukasyon papunta sa pagiging market-oriented. Ang akademikong kurikulum ng Pilipinas ay nakapunla upang malinang ang mga bata para maging handa sa paglipad ng iba’t-ibang mga bansa upang magtrabaho. Sa iba pang paglalarawan, ang edukasyong sentro ng Pilipinas ay tila ba pagawaan ng mga human labor na magagamit ng iba’t-ibang bansa para sa kanilang ekonomiya at makinarya. Nasasalamin din ng neoliberal education ang kapasidad ng mga indibidwal ang kakayahang gawing pribado ang mga edukasyong institusyon. Ang pagpripribado ng mga paaralan, kolehiyo, at mga pamantasan ang nagiging hadlang upang makamit ang mataas na literasi sa bansa. Ang mga pampublikong paaralan, kolehiyo, at mga pamantasan ay mayroon lamang na kakarampot na islat para sa milyong-milyong iilan. Ang kakulangan sa espasyo upang mabigyan ng sapat na edukasyon ang milyong-milyong mga Pilipino ang nagiging hadlang upang makamit natin ang totoong pambansang karimlan sa akademikong konteksto. Kaakibat pa nito, sa baba ng neoliberal education, mas naka pokus pa ang paggamit ng wikang Ingles o banyaga sa mga loob ng silid-aralan upang ipaliwanag ang mga teorya at ideolohiya sa mga mag-aaral na mga Pilipino. Ang masusing paggamit ng wikang Ingles sa loob ng mga akademikong lugar ang nagpapaigting pa lalo sa konseptong Pilipinas ang nangungunang makinarya upang makagawa ng mga ready-to-export human-labor sa iba’t-ibang mga bansa. Batay sa bidyo galing sa YouTube na pinamagatang “Sulong Wikang Filipino: Edukasyong Pilipino, Para Kanino?” binanggit dito na hindi raw umabot ang ating edukasyong beysik sa mga pamantayang internasyonal. Upang masagot ang ganitong hadlang, nagpanukala ang ating dating pangulo, Pangulong Benigno Aquino III na magdagdag ng adisyonal na dalawang taon para sa nasabing edukasyong beysik. Ang kakulangan sa mga pang akademikong taon ang magiging balakid sa labor mobility. Ayon din sa parehong pinagkunan ng impormasyon, ang ating bansa ang pangalawa sa mga nagpapadala ng human labor sa buong mundo mapa ASEAN man o sa iba’t-iba pang mga bansa. Ang dagdag na dalawang taon ang nagbibigay ng harmonization complement ng educational integration upang maging handa ang mga ipapadala ng Pilipinas sa kategoryang human labor. Dalawa sa mga implikasyon ng bagong kurikulum, ang K-12 [Kinder to Grade 12] ay ang pinakamalaking dropout rate sa mga elementarya at ang pagpapaliit pa ng posibilidad na makapag kolehiyo ang mga nakapagtapos sa bagong kurikulum. Ang nasabing reyt ay nakabatay sa halaga ng pagpapaaral, aksesibilidad sa mga pampublikong paaralan, at sustainability upang mag dere-deretso ang pag-aaral ng bata. Sa kabilang dako, ang pagpapaliit pa ng posibilidad na makapag kolehiyo ang mga nakapagtapos sa bagong kurikulum ay nakaangkla pa rin sa praktikalidad. Ang mga dalawa sa mga strand ng Senior High School Department ay ang mga pang-akademiko at Technical and Vocational Education. Dahil nga sa uri ng edukasyon sa Pilipinas at kung gaano mas pinalawig pa ang akademikong dibisyon, ang Technical and Vocational Strand ang nagiging tanging opsyon upang makapagtapos pa rin ng edukasyong beysik. Base sa salaysay ng isang propesor galing ng Pamantasan ng Pilipinas, ang mga opsyon sa Tech Voc ang nagiging pinaka posible dahil ito lamang ang strand na hindi nangangailangan nang malaking gastos upang makapagtapos. Ito na rin ay konektado sa nosyon ng bansa na gawing ready-to-export na ang mga mag-aaral na nakapagtapos sa nasabing strand. Dahil sa ganitong pagtingin, hindi na tuloy tumataas ang antas ng edukasyong madla sapagkat ang tanging binibigyan lamang ng pakialam ng administrasyon ay ang dami ng kanilang ipapadala sa ibang bansa upang makapagtrabaho at makapagbigay ng remittances pabalik. Nakalulungkot man isipin ngunit ito ang katotohanang kinahaharap ng ating pambansang akademiko. Saan nakakonekta ang konteksto sa wikang Filipino kung inyong tatanungin? Dahil sa bagong kurikulum na mandato ng Kagawaran ng Edukasyon at pag impluwensya sa Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon, ang mga asignaturang Filipino at Panitikan at paggamit ng wikang Filipino ay unti-unti nang hindi nabibigyan ng halaga at atensyon dahil nakatuon na ang mga institusyon sa paggamit ng wikang Ingles at pag iintelektwalisa sa mga asignaturang banyaga. Sa ganitong paraan, mas bumababa tuloy ang akademikong pundasyon ng mga Pilipino sa kanilang sariling wika. Ang pagsasalamin sa ganitong kultura ay nangangahulugang mas pinapaboran pa natin ang mga konseptong pang kanluranin. Kung simple man ang hindi pagpapalawig ng paggamit ng sariling wika, ang mga implikasyon naman nito ang magdadala sa Pilipinas sa kumunoy. Kung patuloy pang uusbong ang pagbaliwala natin sa ating sariling wika -- ni mapaka akademiko o personal, dadating ang panahon na wala na tayong sariling wikang identidad.

Ang mga balakid na kinahaharap ng ating wika ay ang mga sumusunod: hindi masyadong binibigyan ng atensyon sa mga akademikong konteksto, ang pagkaroroon ng internalized discrimination sa mga usaping pormal na dayalogo, ang pagiging hindi aksesibol sa mga mahahalagang nilalaman ng batas at mga pormal na dokumento, ginagamit lamang ang wika bilang palamuti sa mga pangalan ng pagpupulong, at paglalagay sa dulong prayoridad sa mga usaping pasalita o pasulat. Isa-isahin natin.

Una, hindi masyadong nabibigyan ng atensyon sa mga pang akademiko, pang agham, at pang intelektwal na mga konteksto. Nakahanay ang opinyon sa naibigay ko ng panig kanina ngunit mas palalawigin pa natin. Ang edukasyon sa Pilipinas ay nakasentro sa paggamit ng wikang banyaga at pagyakap sa mga konseptong pang kanluranin. Ang Perlas ng Silangan ay nakapunla upang makapagpadala ng maraming manggagawa sa iba’t-ibang mga bansa bilang isa sa mga pinagkukunang yaman ng ekonomiya. Kung susuriin gamit ang kanilang mga mata, kung gagamitin at paiigtingin pa natin ang mga asignaturang nag iintelektwalisa sa wikang Filipino, magagamit ba ang mga iyon ng mga bansang tatanggap para sa ating mga human-labor-exporters? Hindi maglalaan ng pondo at atensyon ang mga Kagarawan ng Edukasyon, Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon, at ni Gobyerno ng Pilipinas upang mas paigtingin pa ang pagpapalalim ng pundasyong wikang Filipino sapagkat hindi nila ito nakikitaan ng halaga kung ikokonekta sa human-labor-exporting. Magbabago lamang ang agos kung may aayusin sa mismong sistema at ideolohiya. Kung hindi aayusin ang sistemang balakid, patuloy na uusbong ang isyu. Sa aking karanasan, dapat pa nga nating bigyan ng halaga ang pagpapalalim at pag iintelektwalisa sa wikang Filipino sapagkat ito ang identidad natin bilang mga mamamayan ng Pilipinas. Hindi nga tayo mangmang sa wikang banyaga bagkus tayo naman ay mangmang sa sariling atin? Mas naging agresibo pa ang pagyakap sa wikang Ingles nang nabago ang kurikulum pang akademiko. Noong nabigyan ako ng oportunidad makapag-aral sa isa sa mga pinakasikat na pamantasan sa Pilipinas, labis kong napagtanto kung gaano kakunlaranin ang paggalaw ng akademikong agos. Mula pagpasok ng gusali, pagbati sa mga guro, pakikipagdayalogo mula unang asignatura hanggang sa matapos ang araw, ang ginagamit madalas ay wikang banyaga. Mas naobserbahan ko pa ang ganitong pamamaraan sa pananaliksik at agham. Malawak ang bokabularyo at aksesibilidad ng dalawang aspeto gamit ang wikang Ingles. Ang pakikipagtalastasan sa mga dalubhasa ay labis na nakasentro sa Ingles, hindi man lang nailagay ang wikang Filipino sa harap. Ang ganitong dibisyon ng akademikong wika ang nagpalungkot sa akin matapos mapagtanto ang reyalisasyon. Habang tayo ay nagpapalawak ng kaalaman sa agham at siyensya, nawawalan naman ng abenyu ang mga ordinaryong Pilipino na maintindihan ang ating mga pananaliksik. Hindi ba ang puno’t - dulo ng pagpapalalim ng kaalaman ay upang mapaganda at mapabuti ang ginagalawang komunidad at bansa? Paano natin maaabot ang ganitong adhikain at pangarap kung mismong wika na ginagamit natin ang magiging balakid upang makatulong sa milyong-milyong nakararami? Habang mas napapaigting pa ang ating mga kaalaman sa pamamagitan ng pananaliksik ay siya namang mas lumalaki ang dibisyon ng pagkaiintindi ng mga ordinaryong mamamayan sa mga ginagawa nating intelektwal. Imbis na nakagagawa tayo ng mga tulay sa mga ordinaryong Pilipino upang mas bigyan sila ng aksesibilidad sa pananaliksik at agham, tayo pa ay bagkus gumagawa ng mga mas matataas na akademikong bloke upang mas hadlangan ang mas mataas na pambansang literasi sa agham at pananaliksik ng buong Pilipinas kasa-kasama ang mga ordinaryong Pilipino. Konektado rito ang ikalawang punto, ang internalized discrimination sa diyalogo ng mga usaping pormal kung gagamit ng wikang Filipino.

Ang internalized discrimination sa diyalogo ng mga usaping pormal kung gagamit ng wikang Filipino ay maipapaliwanag sa pamamagitan ng, dahil nga sa nakaangkla ang pangkabuuang pamamaraan ng wikang Ingles kapag gagamitin sa mga pormal na dayalogo, ang mga usaping nakabatay sa wikang Filipino ay madalas kinukutya nang hindi pasalita ngunit sa loob-loob ng mga nakaririnig nito. Dahil na rin sa labis nating pagmamahal sa mga kulturang pangkanluranin, ang wikang Filipino ay madalas na may nosyon na wikang hindi ginagamit ng mga intelektwal, wikang hindi ginagamit ng mga nakapag-aral ng mas mataas na antas, at wikang hindi pasok sa internasyonal na pamantayan. Lubos pa ring malakas ang ating colonial mentality noong sinakop tayo ng mga taga Estados Unidos mula nang matagal na panahon na hanggang sa ngayon. Ang ganitong mentalidad ang nagpapababa ng ating pagtangkilik sa sariling wika sa mga usaping pormal, pulitikal, akademiko, at korporeyt na mga dayalogo. Naiiwan ang Filipino sa mga wikang ginagamit madalas sa mga pormal na pagpupulong. Sa aking karanasan at mga napapanood, wikang Ingles ang nangingibabaw sa lahat ng pagkakataon kapag may pagpupulong sa korte, pamantasan, o negosyo. Napipilitan tuloy makipagsabayan at maggugol pa ng mas maraming oras ang mga trabahador ng kompanya, ahensya ng gobyerno, at mga pamantasang mapalawak lamang ang bokabularyo nila sa Ingles at ni ‘di man paglaanan kahit kapiranggot ng oras alamin ang wikang Filipino sa mas malalim pang aspeto. Hanggang sa kasalukuyan, ang Wikang Filipino ay kinukutya, hindi tinatangkilik, at hindi tatangkilikin hangga’t maayos natin ang ating mga mentalidad na ang wika natin ay kasimbigat sa halaga sa mga kahanay ng Ingles, Mandarin, Hindi, Espanyol, at Pranses.

Ang ikatlong punto ay ang wikang Filipino ay hindi aksesibol sa mga batas at mga pormal na dokumento. Ang ganitong dibisyon ng wika ang naglalagay sa milyong-milyong ordinaryong Pilipino sa kamangmangan sa kanilang mga karapatan. Ang wika ng batas natin ay hindi kailanman madaling maintindihan ng mga mamamayan natin tulad nila Juan, Maria, Nena, at Totoy. Ayon sa aking personal na opinyon, ang wikang Ingles sa ating batas ay lubos na sumisigaw ng intimidasyon. Kaya kung tatanungin natin ang mga ordinaryong manggagawang Pilipino pagkatapos nila maglagay ng lagda sa mga kontrata, madalas na babanggitin nila ay “hindi ko maintindihan e, pinirmahan ko na lang kailangan ko ng pera”. Siguro isa sa mga implikasyon ng ganitong korporeyt enbayronment ay upang mapigilan ang pagsasama-sama ng mga ordinaryong Pilipino labanan ang mapang-abusong at hindi makataong tratong pang korporasyon sa kanilang gawi. Kapag naiintindihan ng mga ordinaryong Pilipino ang bawat tuntunin at kasunduan, malalaman nila kung ano ang mali sa tama bagkus magreresulta sa isang sama-samang rebolusyon. Patuloy pa ring tinatakot ang mga Juan, Maria, Nena, at Totoy sa mga kasunduang Ingles upang mapagtibay pa rin ng mga ahensyang korporeyt ang pang-aalipusta sa mga kawawang manggagawa. Kung hindi naiintindihan ng mga manggagawa kung ano ang tama at mali alinsunod sa mga tuntunin at kasunduan, hindi magkaroroon ng gulo at mga makataong pagbabago. Sinasamantala ang kamangmangan ng sektor ng mangagagawa upang patuloy pa ring pagyamanin ng mga mayayaman ang kanilang mga kayamanan habang naghihirap pa ang mga mahihirap sa kahirapan. Ginagamit ang wikang Ingles upang makapagsamantala.

 

Ikaapat na punto, ang paggamit ng mga salitang Filipino bilang palamuti. Laganap na laganap na lalo na sa mga organisasyon ng mga pamantasan ang paggamit ng mga iilang malalalim na mga salita galing sa mga barayti ng Filipino bilang pangalan ng kanilang aktibidad. Ang ganitong paraan, bagkus ay nakatutulong upang magkaroon ng atensyon sa barayti ng wika, ay hindi nakatutulong sa mas matagal pang proseso. Ang mga salita tulad ng “Puhon”, “Padayon”, “Dalisay”, “Hiraya”, at iba pang mga malalalim na salita sa iba’t-ibang barayti ng Filipino ay kung hindi naman paglalaanan ng panahon upang mas maintindihan sa mas malalim na pagpapakahulugan ay walang saysay. Hindi rapat tayo gumamit ng ganitong salita upang mapaganda lamang ang tunog ng kung anu-ano mang superpisyal na adhikain. Nakakonekta rin dito ang pagsikat ng paggamit ng baybayin para sa parehong pagpapakahulugan, para lamang sa pagpapalamuti ng kung ano mang superpisyal na adhikain. Hindi magiging pisible [feasible] ang matagal na paggamit ng baybayin kung hindi naman ito ikakabit at ilalatag sa ating pormal na akademikong kurikulum. Oo, may tama na magandang paglaanan natin ng panahon maintindihan ang baybayin at mga salita sa iba’t-ibang barayti ng wika ngunit kung gagamitin lamang ang mga ito sa superpisyal o pinakamababaw na paraan o sa pagpapalamuti lamang, ay ‘wag na lang. Ito, para sa akin, ay nakababastos sapagkat naalala lang natin ang wikang Filipino kung nais lang natin mapaganda at gawing “nationalistic” ang isang ganap? Hindi ito maaari, akma, at tama.

Oh, Pilipinas! Isa sa mga katangi-tanging bansa sa buong mundo pagdating sa kultura, pagkain, estilo ng damit, mga tradisyon, at uri ng pamumuhay. Kay gandang pagmasdan ang bansang ito sa malayuan. Masasayang mga tao, maliligayang indak ng musika, makukulay na mga pananamit at mga pista, at mga malalakas na dyip na bumubusina alas-tres pa lamang ng madaling araw. Ano pa ba ang maaari nating bigyan-diin dito upang mas ilarawan ang kagandahan ng Perlas ng Silanganan? Siyempre, ang wika. Ang wika na kahit kailan hindi binigyan na halaga ng mga taong nakatira sa nasabing bansa, ang wika na madalas kinukutya at hinuhusgahan, ang wika na hindi tinatangkilik kahit ng mga nagsasalita nito, at ang wika na unti-unti nang namamatay.

Upang sagutin ang katanungang “Sulong Wikang Filipino: Edukasyong Pilipino, Para Kanino?”, ang edukasyong Pilipino ay nakalimbag sa sistemang kolonyal na ang mga Pilipino ay para lamang sa human-labor exporting sa iba’t - ibang mga bansa. Para kanino nga ba ang edukasyon Pilipino?

Para sa mga dayuhan,

upang mapakinabangan lang ang ating lahi.

 

 Sulong Wikang Filipino: Edukasyong Pilipino, Para Kanino? is an essay submitted by Herold Buenconsejo for his general education course, Konstekstuwalisadong Komunikasyon sa Filipino.