Umalis ka ng Pilipinas kung ayaw mong mag sardinas: Paglingkuran ang ibang bayan kung nais mong maging mayaman
Umalis ka ng Pilipinas kung ayaw mong mag sardinas: Paglingkuran ang ibang bayan kung nais mong maging mayaman
Ang pag-anod ng dugo at pawis galing sa dose-doseng oras ng trabaho ang pumapatak sa bawat padyak ng lakad ng isang minsan nang nangarap na Juanito. Ang ganda ‘no, dati, gustong-gusto niya isuot ‘yung puting uniporme ng kuya niyang nag-aaral ng Narsing kasi pangarap niya maging ganoon din, ngayon; ibang kulay na ang suot-suot, mantsyadong uniporme na kulay asul na lukot-lukot. Ngayon, hindi na stethoscope ang hawak niya, kung hindi graba. Hindi na memoryado ang gamot galing Monumento bagkus ay bakal na at iilang semento. Hindi na rin ginagamit ang RN na lisensya, kung hindi konstruksyon ang naging ebidensya. Sa masalimuot na kinahinatnan ng isang inosenteng nangarap, saan ka pa kumukuha ng lakas ng loob magpanggap? Bata, umalis ka na ng Pilipinas ayaw mong mag sardinas.
Ang bansa natin ay kilalang-kilala bukod sa walang sariling identidad sa kultura- kung ano ang uso sa Amerika at Korea, bilang isang makinarya ng mga pangkalusugang manggagawa na pinapadala sa iba’t-ibang mga bansa. Ika nga, hindi tao ang tingin kung hindi ay produktong-nililipad sa pagtaguyod ng ekonomiya ng bayang malansa. Sa Pilipinas ka nag-aral, sa ibang bansa trabaho ay i-oorkestral. Ang daming kailangang ianalisa at bigyan ng diin, matutugunan pa ba ang dekadang sigaw ng mga kababayan natin?
Samahan niyo ko sa paglalakad sa kahabaan ng Maynila. Dito, hindi na natin kailangan pang lumayo, naririto na mismo ang ilan sa mga haligi ng totoong identidad sa pangkalusugang sistema ng Pilipinas. Hahatiin natin ang diskurso sa tatlong punto, kulang na akses sa edukasyong pang-madla, malalim na dibisyon sa mga pribadong at pampublikong hospital at pangkalusugang institusyon at hindi maayos na mga polisiyang nangangalaga sa mga manggagawang Pilipino. Tatlo ang mga ito sa mga nakaupo sa bandang harap na mga dahilan sa mabagal na pag-asenso at pag-unlad ng pampublikong kalusugan sa Perlas ng Silanganan.
Una, kulang na akses sa edukasyong pang-madla. Kung ililingat natin ang paningin sa bahaging kanan ng Tondo, may mga namamataan tayong mga mahihirap na Pilipino na lumulobo ang dami ng anak. Bukod sa walang permanenteng tirahan, hindi nakikitaan nang maayos na pagplaplano ng dami ng pamilyang-miyembro. Repleksyon ang paglaki ng populasyon sa kakulangan sa sekswal na edukasyon. Kung ilalagay natin sa isang mikroskopo, hindi nabibigyan nang sapat na atensyon ang mga kababayan nating nasa laylayan ng lipunan bagkus sila ay madalas pintahan ng “salot” at “walang pag-asa” ng mga nakakataas na kagawaran. Ni hindi nga sila nabibigyan ng akses sa libreng pagkatuto at libreng akses sa serbisyong medikal kaya patuloy pa ring nangangapa ang mga ordinaryong Maria at Juan sa dilim. Ang kawalan ng oportunidad sa mabilis at mabisang edukasyon ang nagiging hadlang upang makontrol ang pagdami ng populasyon. Imbis na batikusin natin na “eh mga mahihirap na ‘yang mga ‘yan bakit pa sila nag-aanak kung hindi naman kayang sustentuhan”, ayun na nga, hindi kayang sustentuhan pero ano ba ang ugat ng ganitong suliranin? Diba ang kakulangan sa kaalaman. Kung ang mga kababayan natin na nasa baba ay mabibigyan lamang ng panahon patungkol sa pagplaplano ng pamilya, pagbibigay ng mahahalagang impormasyon makahanap ng pagkakakitaan, pagsasalathala ng mga detalye na patungkol sa medikal na serbisyo, maiiwasan natin ang hindi kaaya-ayang pagtaas ng numero sa populasyon. Ang isang suliranin ng pambansang pangkalusugang sistema ay hindi natin natutuunan ng plano mailatag ang edukasyong pang-sekswal sa mga bulnerableng pangkat tulad ng mga mahihirap. Huwag dapat natin paikutin lamang ang sirkulasyon sa mga mas nakataas na lipon ng mga tao bagkus ay pilitin natin ibaba sa diskusyon kasama ang mga ordinaryong mangagawang Pilipino, kasama ang mga construction workers, kasama ang mga labandera, kasama ang mga manikurista, nagmamaneho ng jipni, at mga housewives. Sa pamamagitan ng paglalatag ng impormasyon, mas nagkaroroon tuloy nang mas maayos na pag-iisip at eksekusyon ng mga gawi ang ating mga kababayan -- hindi lamang sa pagplaplano, kung hindi rin sa pagpigil at pagkontrol. Huwag lamang po tayo pumukos sa istatistika at dahan-dahang pagtuturo dapatwat ay mas agaran pa ang tuluy-tuloy na aksyon pang edukasyon. Katukin natin ang mga opisyal ng barangay na maglaan ng oras sa kalendaryo upang maimbitihan ang kanilang mga mamamayan sa libreng pagtuturo sa sekswal na edukasyon. ‘Di lamang matutulungan natin ang nasabing pangkat kung hindi ay mababago rin ang buhay hinggil sa magagandang mga plataporma. Bigyan pa natin ng akses ang mga kababayan sa bukas at hindi nandidiskrimina na uri ng diskusyon, huwag natin takutin bagkus ay tanggapin at tulungan. Ang edukasyon ang susi sa kahung-kahong sulirinanin sa espasyo at ‘di gustong paglago ng miyembro. Ang edukasyon ang aksyon para sa matiwasay na reproduksyon.
Ikalawa,
habang naglalakad ako sa kahabaan ng United Nations Avenue, mas nasulatan pa ng
dilaw na haylayter ang malawak na dibisyon sa pagitan ng mga pampubliko at
pampribadong mga ospital. Ito rin ay alinsunod sa mas maraming bilang ng mga
pampribadong institusyon laban sa mga pagmamay-ari ng gobyerno. Ang ganitong
lubhang pagkatuldok ng pagkakaiba ay nagbabakod sa mga mahihirap nating mga
kababayan matugunan ang mga pangangailangan na hindi naglalabas nang
labis-labis na salapi sa pangkalusugang kategorya. Dahil nga sa ganitong
dibisyon, napipilitan ang mga ordinaryong Juan at Juana lustayin ang ipon upang
makatawid lamang sa kabilang dako. Dahil sa hindi magandang paghawak ng pondo
ng iilang mga ahensya, napipilitan ang mga mahihirap pumunta sa mga
pampribadong institusyon para sa kanilang mga pangkalusugang pangangailan.
Magkaiba ang patakaran sa mga ganitong ospital kaya ‘wag din natin masamain
kung uunahin ang pera bilang porma ng seguridad. Uulitin natin, negosyo rin ang
mga pampribadong ospital, kailangan din nilang kumita dahil hindi naman sila
sinusustentuhan ng pamahalaan upang gumana. Ang suhestyon ko, mas pagtibayin pa
ang pagiging klaro pagdating sa hatian ng pondo sa mga pampublikong ospital
upang mas matugunan pa ang pampublikong pangangailan ng madla, na hindi na sana
aabot na mamimili na lamang ang ospital kung sino ang gagamutin dahil sa
kakulangan ng pondo. Pagandahin pa natin ang pasilidad ng mga gobyernong
institusyon upang mas bumilis ang paggagamot at paggaling ng mga mamamayan. Mas
pagtuunan din natin ang malawakang akses na naglalahad ng mga impormasyong
abot-kamay ng mga mamamayang nasa laylayan. Huwag natin tatanggalan nang magandang
serbisyo ang mga mahihirap, tao rin sila. Huwag din nating aawayin ng mga
pampribadong ospital kung minsan ay nagiging mapagpili sila bagkus ay
kalampagin pa natin ang Kagarawan ng Kalusugan na magtayo pa ng mas maraming
institusyong pampubliko upang mas maraming Pilipino pa ang matutulungan. Dahil
sa lumulubong populasyon ng bansa, hindi sapat ang mga ospital upang mapunan
ang lahat ng pangangailangan kaya kailangan pa natin ng mas maraming
abenyu.
Ikatlo,
habang natatanaw ko ang pulang estandarte ng Jollibee, nadaanan ko ang
Sampaloc. May mga kolehiyo at unibersidad dito na dalawa sa pinakamaraming
nakakapagtapos ng programang natutungkol sa kalusugan. Daan-daang mga
estudyante ang nakaputing uniporme, tila ba ay hindi nawawalan o nababawasan ng
mga nangagarap din manggamot ng tao. May kinausap akong nag-aaral ng Medisina,
tanong ko, “Kuya, rito ka ba magtratrabaho Pilipinas o sa ibang bansa?” tugon
niya, “Ay, sa ibang bansa ako, walang kinabukasan dito eh”. Ang linya niya ang
nakapagpabukas pa sakin ng kaisipan na hindi talaga nabibigyan ng hustisya ang
trabahong medikal sa bansa. Inalisa natin, napakamahal mag-aral ng medisina o
kahit anong programang natutungkol sa pangkalusugan, isama na natin ang gastos
sa libro, gamit, uniporme, at mga dagdag pang cheche-bureche, aabot ang mga ito
sa isang milyon, kung swertehin ka na. Ang mga islat din upang makapag-aral ng
mga ganitong program ay grabeng kompetensya, hindi ka lamang nakikibakbakan ng
islat sa mga matatalino lang kung hindi sa mga mayayamang matatalino na may
koneksyon. Mahirap makapasok, mahal mag-aral, at mababa ang pasweldo. Saan ka
pa? Kaya marami ring gradweyt ang pinipiling mangibang bansa upang maibalik ang
gastos noong nag-aaral pa sila, dagdag pa rito ang mataas na pasweldo na tiyak
maiaangat ang pamilyang galing sa hirap. ‘Wag kayong maniniwala na ingrata ang
mga nag-aral dito pero nangibang bansa, mapapakain ka ba ng “Serve the nation”
mo? Paano mo paglilingkuran ang bayan kung gutom ka at ang pamilya mo? Sinasabi
lang niyan ng mga mayayamang gradweyt na galing sa mga mayayamang pamilya. Eh
tayong mga magsisimula pa lamang sa baba? Ang hirap. Kahit umiyak ka na ng dugo
at mamuo na ang pawis mo kakatrabaho rito sa Pilipinas, hindi pa rin kayang
mapantayan ang sweldong inaalok ng Estados Unidos para sa’yo. Kulang ang mga
mga manggagawang pangkalusagan sa bansa, pero may ginagawa pa ang pamahalaan at
ahensya ng kalusugan para matugunan ang kulang-kulang na dami ng empleyado?
Kung taasan niyo kaya ang sweldo at bigyan nang mas magandang polisiya upang
maprotektahan ang mga pagod-na-pagod nang HCWs. Kung totoong ayaw niyong umalis
sa ibang bansa ang mga gradweyt ng Health Programs, matuto kayong bumaba at
makiramdaman, problema nga pala, mga manhid na kayo. Hindi kayo bababa kasi
nagpapakalunod kayo sa pera ng taumbayan. Uulitin natin, hindi ka mapapakain ng
passion mo. Maganda man mangarap magsuot ng puting uniporme, eh baka sa sobrang
mapang abusong sistema, eh sabay din tayong magsusuot ng asul na unipormeng
lukot-lukot.
Balu-balukot
ang kasalukuyang galaw ng pampublikong kalusugan ng bansa. Marami pa ang
kailangang ayusin at mendahan. Ngunit, nasa iyo ang desisyon kung mamamalagi ka
ba sa bansa upang magtrabaho o lilipad ka. Piliin mo ang ibang bansa kung ayaw
mong mawaldas ang oras mo at malagas ang sarili sa kakasardinas. Piliin mo ang
ibang bansa kung nais mong yumaman at hindi makatanggap lamang ng walang
anuman.
Umalis
ka ng Pilipinas kung ayaw mong mag sardinas at paglingkuran ang ibang bayan
kung nais mong maging mayaman.
o
Manalagi
ka at patuloy pa ring pagserbisyuhan ang bulok na sistema na may sweldong
mababa na buwan-buwan ay pumipirma
Bagkus
Piliin
mo ang Pilipinas, dahil kailangan ka niya.
As I hope---for the new decade
Image property of Freepik |
Less than thirty-six hours before we flip our calendar pages to 2021. Less than thirty-six hours to fully digest numbered academic or corporate milestones we have all, somehow, achieved under quarantine-time. Less than thirty-six hours to quickly look back how we all survived a year of dominant life bludgeons. Amid the year of entropies, congratulate yourselves for reaching this much awaited end point.
Bago mag kolehiyo
@rbel_Angelo on Twitter |
Safety is for the privileged
Field trip 2020
UST Paskuhan 2019
UST Central Student Council 2019 |
Short story: Due to the long lines along all gates of the University, my friends and I got inside around 8PM -- an hour before the fireworks display. We only got to watch Lola Amour, and Ben&Ben. A lot of regrets, solid still.
Search This Blog
Popular Posts
About Me
Worries his everyday commute and roundabouts. As he's approaching near-adulthood, he tries hard to maintain his sanity from an insane world.