Merry Christmas, Please Don’t Call

 Merry Christmas, Please Don’t Call


December 25 – saktong sinusulat ko ‘tong mini life update (sort of) at 8:33pm. Nasa kusina at hinihintay kumulo ang sambong na inutos ni Lola, ewan ko ba kung para sa kanya, kasi inuubo rin siya, o para sa’kin na biglang inubo na ang dry. Weird kasi madalas ang ubo ko ‘yung alam mong nakabara na talaga sa drainage system ng Muntinlupa tapos kahit anong gawing rehabilitation at proper sewage management, hindi pa rin mawala. Fireworks pa ang atake kumbaga. 

 

Anyway, ang daming nangyari sa buhay mo, self. Naalala mo pa ba ‘yung sinabi mo sa sarili mo last year na, “yes 2024 would be my year”? Totoo naman. 

 

Sobrang hinumble ako ng 2024 in all areas of my life. Lalo na, sa lovelife. 

 

Ayokong maging cheesy at pipilitin maging positibo ‘tong tono ng blog ko, for now, pero multiple things habang sinusulat ko ‘to, may nararamdaman akong lungkot, sakit, poot, at pagka-miss. Totoo pala ang sabi nila ‘no na kahit pasko, posible kang maging heartbroken. Sa dami ng lumipas, ito muna siguro pag-focus-an ko. 

 

Ang bigat kasi, ayoko rin naman kimkimin mag-isa kasi kakainin ako nito nang buong-buo. Sinubukan kong kumausap ng iba’t-ibang tao sa mga iba’t-ibang groups na related sa pagiging broken – iisa lang ang naging tugon nila, “mag-move on ka na, kasi sigurado naman akong ‘yung taong ‘yun, hindi ka naman na iniisip”. I guess true to a degree?

 

Ang sakit, beh. Alam mo ‘yung kahit ilang Tiktok videos na ang panoorin ko sa “no-contact setup”, gustong-gusto pa rin kita sabihan ng “Good morning, my love!” kahit alam kong, hindi naman na maibabalik ang dati. May isang gabi, putol-putol ang tulog ko, parang may nakadagan talaga sa dibdib ko na bato, e unan naman ‘yung nakapatong dito. Naiisip ko ‘yung mukha mo na hanggang ngayon, maipipinta ko pa rin ‘yung mga ngiti mo kapag kasama mo ‘ko. Naiisip ko ‘yung mga mata mo na nagiging slant sa tuwa kapag sabay tayo bumibili ng ice cream sa Mixue. Naiisip ko ‘yung height mo na 5’10 na ginagawa mo kong armrest kapag naghihintay tayo ng libreng train sa Doroteo Jose LRT Station during a 5pm rush hour – often led naman sa super sikip na bagon – magkadikit pa lagi mukha natin sa sobrang siksikan – tapos ikaw naglalabas ng phone para picturan ako na iritable and then i-shrug it off mo kasi natawa ka na ang “cute ko raw”. Naiisip ko pa ‘yung init ng kamay mo na perfectly intertwined sa’kin whenever we had private moments. Kapag kumakain tapos may opportunity, you were holding my hand underneath the fastfood table. Hindi ako clingy and I hate physical intimacy in public pero binago mo ‘yun. Kahit palagi kong rant sa’yo, “ayoko ng PDA”, nagugulat ako napapahawak na rin ako sa kamay mo na parang magnet. Deep inside, ganito pala feeling kapag ‘yung partner mo, super proud sa’yo in public.

 

Ang sakit kasi nagcy-cycle back ulit ako sa mga memories natin. Parang may kutsilyong nakapasok sa baga ko tapos pinipilit kong diinan nang diinan – hanggang dumating ‘yung point na wala na akong maramdaman. Kasi lahat na ng pwedeng umagos, dumaloy na. 

 

Pati pagmamahal ko sa’yo, naanod na rin. 

 

Ang hirap no’ng ginawa kong pag-block sa’yo nung December 21 ba ‘yun or December 20. Lahat, as in, Facebook, Messenger, Instagram, Google Maps – na palagi na’ting ginagamit dati mamonitor nasaan na ang isa’t-isa, tapos mag-ooverthink kung bakit sa ganitong oras wala ka pa, ay blocked na rin. Parang kinukurot ako nang dahan-dahan habang tinitignan ko ang pangalan mo na “X is no longer sharing their location”. Na parang, ay tapos na pala talaga. Ayoko rin naman mag-request back ng “Request X to share their location”, kasi bakit pa?

 

We left each other's houses to only see trails of footprints we once stepped on.  

 

May bakas pa e. Hindi lang sa app, pero sa puso’t-isip ko. Ang sakit. Also to mention, tinanggalan din kita ng access sa Tiktok ko, na sabi mo sa’kin dati, you took pride kasi you were the only one whom I was following – actually 2 ka’yo, ‘yung isa nursing student na nag-take ng PNLE, (ang ganda kasi ng notes niya sorry na); ikaw lang din ang follower ko no’n. Parang little world na’tin sabi mo nga. We exchanged Tiktok videos ng kung anu-ano, sa’yo ko actually natutuhan ang streaks – na dapat pala, patuloy ang pakikipagpalitan ng usapan o kahit pag-share lang ng videos to maintain that streak. 

 

‘Yung streak natin sa relationship lods, wala na. 

 

We no longer have a streak to maintain. 

 

Zero na lods. Naupos na ‘yung apoy kasunod ng pangalan mo – nang mga panahon hindi pa kita bino-block. 

 

Ang hirap mo kalimutan, hayup ka. Kasama kita sa buong review season ko for my board exams. July 21 or July 24 ata tayo unang nagkakilala – since then nagkarumble-rumble na ‘yung buhay na’tin. Ang dami kong first time na na-experience sa’yo: 


  • Unang beses kumain sa Mixue
  • Unang beses bumaba sa newly known LRT Station na Doroteo Jose (for me) – to which, yes mas malapit nga sa Review Center ko in Manila versus kung bababa ako ng Bambang or sasakay ng jeep galing Munoz.
  • Unang beses nagpasama sa Quiapo (to pray before my board exam, November 8). 
  • Unang beses na nakapunta ng PNU, alma mater mo. Sobrang excited ka to elaborate every detail. Kahit wala na akong naiintindihan, nakangiti pa rin ako kasi sobrang excited ka na natutuwa ako. 
  • Unang beses na makatikim ng your special home-cooked meals, binigyan mo pa ako ng kanin na ready to feed a whole community. 
  • Unang beses na kinwento ko ‘yung buhay ko, ano dynamics namin ng family ko, and future plans. Na alam mong, hindi ako mag-stastay sa Pilipinas for long term. Sabi mo magiging mahirap pala ang setup natin X years from now kasi ayaw mong iwan ang family mo rito para makasama ako. 
  • Unang beses na sobrang nagalit sa comfort person mo kasi may intimacy shared at tingin ko, he was waiting for our downfall para pumasok siya ulit. 
  • Unang beses ko nakaramdam ng sobrang passion in a first meetup, sobrang taas ng compatibility pero sobrang toxicdin at draining kapag nag-aaway na
  •  Unang beses na after my review, dumeretso agad ako sa inyo para makasama ka at makita ang pusa mo na his name was Sanji at isa pa lang siya sa mga babies mo, hindi pa pumapasok rito ang 2nd cat mo na si Ponyo. 
  • Unang beses na may nag-accompany sa’kin papuntang Legarda branch ng review center ko, gumising ka pa as in ng 5am ata at umalis tayo ng 6am para maabutan ang review ko ng 7am. Nag-jeep tayo non, kahit ayaw na ayaw mo mag-jeep kasi may alam kang shortcut papunta roon. You accompanied me kasi love languages mo rin, apparently, ang quality time and acts of service. 

 

At marami pang ibang first times. Ikaw ang bumuo ng ilan sa mga bucket lists kong hindi ganoon ka engrande pero ang special. 

 

Gustong-gusto kitang batiin ng “Merry Christmas” ngayon sa SMS, kasi apart from blocking you from all social media platforms, hindi pa kita binoblock sa SMS. I did try, pero block tapos unblock tapos block ulit tapos unblock ulit. Gustong-gusto kong magtanong ng “Kumusta ka na?”, “Kumain ka na ba?”, “Kumusta sila Sanji at Ponyo?”, pero hindi ko na magawa kasi wala nang tayo. 

 

Ayoko na ulit makisawsaw sa buhay mo pero do remember na kahit sobrang sakit ng naging relationship natin. Not going to fabricate pero I also had the best times in my life during the course of our relationship, ang sakit pala na sisimulan ko ang 2025 ko nang wala ka. 

 

In the same way, you’d also be starting your 2025 without me. 

 

Nag-usap pa nga tayo sa sasakyan diba, habang pauwi, sabi mo “what if subukan na’tin ulit?”. Pumayag ako kasi mahal na mahal pa rin talaga kita. Kahit alam kong rereading the exact book will not yield a different ending, tinanggap ko pa rin kasi gano’n ako ka-tanga sa’yo. I tried opening my walls for dating again pero ikaw pa rin talaga nasa isip ko. Iba impact mo sa’kin, sobra mo kong sinira, pero sobra mo rin akong pinasaya. 

 

Sobra mo kong winasak, pero sobra mo rin akong binuo.

 

Sobra mo kong pinagtanong sa setup ng relasyon na’tin na kung kinekwento ko sa iba, ang tugon nila palagi, “bakit ka pumasok sa gan’yan?”, hindi ko rin alam. Ang sa’kin lang, wala e, minahal kita. Kahit ang dami nating pagkakaiba in terms of standing, aspirations, family values, orientations, and even romantic viewpoints & boundaries, pumayag akong maging tayo kasi sobra kitang minahal. 

 

Galit ako sa’yo oo kasi bakit ko kailangan maramdaman itong level of pain na ito? Dapat nga nagsasaya ako ngayong Pasko at Bagong Taon kasi nakapasa na akong board exams, pero hindi ko pa rin magawa kasi ikaw ang nasa puso’t-isip ko. Sa lahat ng mga nakakausap ko at patuloy pa ring nagpapansin sa’kin, hinahanap kita sa kanila. 

 

Hanggang kailan ko ba matatanggap na hindi na talaga magiging tayo?

 

Na masasabi ko na, “kaya ko nang iwan ang dati kong sarili – tulad ng pag-iwan natin sa isa’t-isa?” 

 

Ayoko sa setup na parang magjowa pero walang label – excreting the benefits of a committed relationship without bearing the emotional & spiritual obligations thereupon. Alam kong hindi naging maganda ang stand natin and sinabi kong “I am willing to adjust” given na may maisip tayong mas magandang workaround sa paulit-ulit na problema. 

 

Pero just like with everything pala, we deserve to have a healthier and a new storyline. 

 

Alam ko before, galit na galit ako sa’yo.

 

Pero ngayon, tapos na ako sa era ko na ‘yan. Hindi na ako mangangamusta sa’yo sa text or makikipag reconnect sa kahit anong social media platform – ewan ko, for now nasasabi ko ‘to pero I don’t know kung maging marupok ulit ako. 

 

Pipilitin kong tanggalin sa sistema ko na once pala naging tayo. Pipilitin kong burahin ang boses mo sa utak ko, hugasan ang mga kamay na minsan humawak sa kamay mo habang sinasabi mo sa’kin na excited kang makita ang future na’tin together, puntahan ang mga lugar mag-isa na pinromise natin sa isa’t-isa na after ng boards ko, date tayo nang mas marami pa. 

 

Ang hirap mong kalimutan. Ang hirap mag-move on. Ang hirap magpaka higher person at solohin lang ito. Hindi ako strong at hindi ko kayang i-rationalize ito without going through it. Alam kong kaya kong mag emotionally detach kung gugustuhin ko pero hindi ko magawa sa’yo. 

 

Mahal pa rin kita e.

 

Pero mas mahal ko na ang sarili ko.

 

Mas mahal ko na ang kapayapaan kong wala na tayo. 

 

Mahal kita, pero mas gugustuhin kong makalaya ka sa’kin. 

Mahal kita, pero mas nanaisin kong lumipad ka mag-isa, kaysa magsama tayong mahirapan lumipad nang sabay.  

 

Mahal kita, pero mas papabor sa’kin kung makakakilala ka ng kasintahan na mas magbibigay sa’yo ng peace of mind, na mas makaiintindi sa mga episodes mo, random rants, at kayang i-validate kung sino ka talaga, sa kahit anong areas. 

 

Mahal kita, pero this time, I am siding with reason.

 

Mahal na mahal pa rin kita, L. 

 

Pero sa paskong ‘to, batid ko lang ang: 

 

Merry Christmas, Please Don’t Call. 

 

Palayain na natin ang isa’t-isa. Ipagdadasal kita at patuloy akong susuporta sa mga pangarap mo – kahit malayo na ako sa’yo. Ipagpatuloy mo ang pangarap mong Master’s Degree pagkatapos mong patapusin ang bunso nyo ng Narsing – next year na ‘yun oh. May RN na kayo sa pamilya. 

 

Ipagpatuloy mo ang adhikain mo pang makatulong sa mga bata – not in a people-pleasing way pero in a purposeful one na critical ka sa comments pero underneath, you only cared for the welfare ng mga estudyante mo. 

 

Proud na proud ako sa’yo. Marami man tayong pagkakaiba pero nais kong ipabatid na naka suporta ako sa’yo at hindi ka habambuhay nakakahon sa kung anong baraha ang nakalagay sa harap mo. Kaya mong baguhin ang buhay mo sa mas magandang paraan at trajectory.

 

Mahal na mahal pa rin kita, L.

 

Pero sa paskong ‘to:

 

Merry Christmas, Please Don’t Call.